October 26, 2009, ako ay nagising sa ingay ng mga batang simisigaw.... baha na sa baba!!!.... baha na sa baba!!!, alas dyes yun ng umaga, nakita ko rin na ang aming sahig ay basa at may tubig nang umaagaos mula sa aming dingding, pwede pala kaming magkaroon ng water falls sa loob ng bahay. Ako'y bumangon at hinanap ang pinanggagalingan ng tubig, galing pala sa isang di na nagagamit na saksakan ng kuryente, kumuha ako ng plastic at vulca seal para maayos ang water falls sa bahay at mapunta iyon sa palanggana. pagkatpos kong mag-ayos sa bahay ay tumawag ang aming bantay sa tindahan, binabaha na daw sa aming tindahan, kaya't ako ay nag-pasyang magpaalam sa aking asawa at pumunta dali-dali sa tindahan. Sa aking pag-alis ay nilusong ko ang baha na hanggang binti ang taas sa akin, nakita ko ang malakas na agos ng tubig, ang hirap sumalubong sa agos ng tubig, halos hindi ako makahakbang dihil sa malakas na agos, tatlumpung minuto ang nakaraan at ako ay nakarating na sa aming tindahan, nakita ko na malapit na maabot ang sahig ng aming tindahan kaya't kami ay nag-madaling ayusin ang mga paninda at mailagay sa mataas na pwesto, pagkatapos, kami ay nagsara at umuwi. Sa aming pag-uwi ay laking gulat ko na hanggang dibdib ko na ang baha sa amin, dumaan kami sa malaking kalye papunta sa amin, at sa aking pagmamadali na maglakad sa baha ay nakatisod ako ng matalas na bagay na syang ikinasugat ng isang daliri ko sa paa, ang hirap talagang magmadali kung hindi mo alam ang iyong nilalakaran, di mo nakikita ang mga bagay na maaaring makasakit sa yo, o maaaring ikaw ang makasakit. Sa sobrang lakas ng agos ay di na namin nakaya ng kasama ko na sumulong pa sa baha, kaya't kami ay nagpasya na mag-hanap ng lugar na pwede naming matuntungan, buti na lamang at may isang malaking gusali na malapit sa amin at doon ay nakisilong kami sa malaking garahe ng mga taxi, nadun din ang iba pang mga taong pauwi na naabutan ng baha sa kalye. dali-dali kong tinignan ang sugat sa daliri ng aking paa, halos isa't kalahating pulgada ang haba, sobrang hapdi at dumudugo, ipinatong ko ang aking paa sa isang bato na hindi abot ng tubig at hinayaan kong lumabas ang dugo. Sa aking pagkakatayo ay nakita ko ang isang pobreng sidecar driver na pilit hinihila ang kanyang pedicab upang ito'y maitali at hindi maanod ng baha, sa kasamaang palad ay hindi nya nakayanan at humulagpos ang tali at tuluyang naanod ang kanyang pedicab, wala nang nagawa ang pobreng matanda kundi pagmasdan ang kanyang pedicab na anurin ng baha, tama lang ang kanyang desisyon na hindi na habulin ang kanyang padicab, di bale nang wala syang mimamanehong sidecar basta't buhay sya kesa naman wala na nga syang sidecar ay mawawala pa ang kanyang buhay. nakita ko rin ang mga tao sa kabilang kalye na pilit inililigtas ang mga bagay na pwede pang mailigtas sa kanilang pag-aari, ang iba ay hinayaan na lang na malubog ang kanilang tv, ref, radyo, at iba pang pwede namang wala sila sa kanilang buhay, bakit ka nga naman mamamatay sa isang bagay na pwede namang wala sa iyo. Lumipas ang anim na oras, alas-nueve ng gabi ay humupa ang malakas na agos ng tubig, bagamat hanggang leeg ko pa ang baha ay napagpasyahan na namin na lumusong ulit at umuwi na dahil mga limampung metro lang naman ang layo ng aming bahay mula sa aming kinaroroonan. Pag-dating namin sa aming bahay ay halos napaupo ako sa hagdan dahil sa sobrang sakit ng aking sugat, naligo ako at nilagyan ng gamot ang aking sugat, naikwento ko rin sa aking asawa ang mga bagay na nakita ko sa gitna ng baha.
Kinabukasan ay halos hindi ako makabangon sa sakit na aking nararamdaman, ang hapdi ng aking sugat, di ako makatayo, kaya't hindi ko na pinilit bumangon, sa hapon na lamang ako mag-sisimba. kinahapunan ay nakapagbihis na kami at nauna kami ng aking panganay, ang hirap maglakad nang may nararamdaman ka sa iyong katawan lalo na sa iyong paa, di ko na magawang maglakad ng mabilis na normal para sa akin pag ako ay naglalakad, marahil ay pinapakita lamang ng Diyos sa akin na mag-lakad muna ako ng dahan-dahan. Napag-isip ko, tama nga naman, pag naglalakad ako ng mabilis ay hindi ko na napapansin ang mga maliliit na bagay sa aking kapaligiran, may mga bago pala sa aming lugar, halos hanggang balikat ko na ang aking panganay, mas-pogi na pala sya sa akin, mabilis din pala sya mag-lakad, may mga bagong tindahan pala sa aming dinaraanan. Di pala maganda na sobrang bilis ka sa iyong buhay, minsan ay kailangan natin maging mabagal upang makita natin ang mga detalye na nangyayari sa ating buhay, sa sobrang bilis natin ay may naiiwan na pala tayong mga bagay na mahalaga sa atin, may mga hindi na pala tayo nakikitang aral sa ating buhay.
Nakita ko sa mga balita ang kalunos-lunos na nangyari sa ating mga kababayan, mga nawalang ng tirahan, nawalan ng mahal sa buhay, mga tao na nasa loob ng kanilang sasakyan habang inaanod ng baha. Marami ang naging biktima, pero isa lang ang aking napag-obserbahan, iisa lamang ang iningatan ng Diyos sa atin, yun ay ang ating buhay, hindi nya iningatan ang mga bagay na iniingatan natin, hindi nya binigyang halaga ang mga bagay na pinapahalahagan natin, isa lamang ang mahalaga sa Diyos, TAYO. Wala Siyang pakialam kung maagos man ang kotse mo, masira man ang iyong bahay, mawala man ang aso mo, lumubog man sa baha ang limpak-limpak mong pera, ang mahalaga sa Kanya ay mailigtas nya ang iyong buhay. Pagkatapos ng baha ay naranasan ng karamihan na mag-ulam ng noodles at sardinas dahil yun na lamang ang pwede mabili sa tindahan, sa tagal ng panahon ay natikman mo ulit kung ano ang lasa ng noodles at sardinas, naalala mo ba, na noong wala ka pang pera ay yan din ang iyong kinakakin? Di ba masarap pa rin ang sardinas sa mainit na kanin? Di ba masarap pa rin an noodles na nilagyan ng itlog? Halos lahat ay "back to basic", walang mahirap o mayaman. Napatunayan natin na pwede pa pala tayo matulog kahit walang kuryente, pwede ka pa pala makahiga sa isang matigas na tabla na may sapin na kumot dahil naging watered bed ang iyong napakalambot na kama, pwede pala na kandila lamang ang ilaw pag gabi, nakagamit ka muli ng kalan na de-uling, nakagamit ka na naman ng tiniklop na kumot para lamang gawing unan. Pwede pa pala tayong mabuhay kahit walang TV o stereo, pwede palang uminom ng tubig kahit na hindi malamig. Sa gitna ng sitwasyon ng bagyong Ondoy, sino ang nakapagsabing "Mayaman ako Ondoy, wag mo ulanan ang aking mansyon" o kaya "Pajero ang aking sasakyan baha, wag mo itong tangayin!!!" o di kaya naman ay "Artista ako kaya hindi pwede mabaha ang aking bahay!!!". Lahat tayo ay hindi pinaligtas ng kalamidad na yun, lahat ay naging pantay-pantay.
Sa mga kwento sa gitna ng unos ay may mga narinig akong magagandang bagay. May mga magkapit-bahay na dating nag-aaway na nagtulungan, mga binata na dating tambay lamang sa kanto ay napakinabangan ng kanilang mga magulang na mag-buhat ng kanilang ariarian, mga politikong nag-babangayan na nagkaisa para lamang makatulong sa mga kababayan. Tsk tsk tsk.... si Ondoy lamang pala ang kailangan para mawala ang away at bangayan, sya lang pala ang pwedeng ibigay ng Diyos para tumulong ka sa Nanay at Tatay mo, baka pag hindi pa tayo nag-bago ay parating may katulad ni Ondoy na darating sa ating buhay, nakakatakot.
Sunday, October 11, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

2 comments:
nice kuya berong.
i so agree :)
mgaling na ba ang sugat? hehe..
magaling na hehehehe
Post a Comment